Malamig na simoy ng hangin ang yumakap sa akin na dahilan ng lalong pagtaas ng aking balahibo. Ang araw ay papasikat pa lamang kaya naman ang paligid ay nababalot pa ng kadiliman; para akong bata na naliligaw sa kawalan habang mariing pinapakiramdaman ang tunog ng mga ibon.
Sa kabila ng matinding pangangamba ay patuloy akong naglakad; maingat at dahan-dahan. Habang ang aking mata na naglalakbay ay para namang sasabog ang aking dibdib sa sobrang kaba.
“Asan ba ako?” paulit-ulit kong na sinasambit sa kawalan. Sa lalim ng aking pag-iisip ay hindi ko na namalayan kung saan ako dinala ng aking mga paa.
Sa kabila nito, isa lang ang talagang umakit sa aking mga mata; ang kanilang kasuotan. Mapapansin ang maikli at hapit nilang damit na talagang sumusunod sa kurba ng kanilang katawan, sinabayan pa ng matitingkad na kulay ng kanilang mga buhok.
Patuloy kong binagtas ang daan, umaasang makahanap ng lugar na pamilyar sa akin. Ngunit sa aking pagkabigo ay mas lalo lang akong nakaramdam ng matinding uhaw at pagod. Hindi nagtagal ay agad na nabaling ang aking atensyon sa musika na bumabalot sa paligid.
Mabusisi kong pinakinggan ang liriko ng kanta dahil baka ito na ang maging susi upang malaman ko ang tunay na aking kinaroroonan.
“…dasi kamkamhan igos-e light up the sky, ne du nun-eul bomyeo, I'll kiss you goodbye… Mommy, video mo ako sayaw ako how you like that ng blackpink.”
Kahit anong tulak ko sa aking isip na intindihin ang binabangit ng bata ay tila isa akong multo sa sarili kong bayan. Isang malakas na buntong hininga na lamang ang naiusal ko.
“Sino sila? Mga taga ibang bansa? Ngunit narinig ko naman na nagsalita sila ng Tagalog kung kaya’t imposible na hindi sila Pilipino. Pero bakit ganoon? Tila nag iba, tila may malaking pagbabago,” litong lito kong bigkas sa hangin.
Ano na ang nangyari sa mahal na bayan, limot na ba o tuluyan lang kinalimutan? Buong akala ko’y malaya na tayo sa mga mananakop ngunit tila patuloy pa rin pala tayong nakagapos. Nasasakop ng walang kamalayan dahil unti-unti ng nananakaw ang ating pagkakakilanlan. Ilan lamang ito sa mga bagay na patuloy na tumatakbo sa aking isip ngunit gayunpaman ay mas nangingibabaw ang aking pagkadismaya.
Aking napansin na ang bawat tao ay abala sa kani-kanilang selpon dahilan kung bakit tila naging patay ang buong lugar; walang tawanan o kahit munting kwentuhan.
“Ano kaya ang pinagkakaabalahan ng mga ito?” bulong ko.
Sa matinding kuryosidad ay pasimple akong lumapit sa isang babae at dahan dahang sumilip sa hawak niya. Nagulat ako nang makita ang taon sa maliwanag nitong iskrin; 2022?!
Sa kilabot ay hindi ko namalayan ang paglapit ng isang lalaki sa akin na aking nakilala sa pangalan na nasa kaniyang damit.
“Bata, gumising ka!” Sambit ni Rizal.
Agad namang nagising sa malalim na pagkakatulog ang diwa ng aking pagiging isang Pilipino.
Comments