top of page
Darriane Bejarin

TULDOK KUWIT

Tuldok.

Simbolo ng pagtapos.

Mga kamay at paa ay para bang nakagapos.

Mga pinagdadaanan na pagsubok.

Na para bang isang mataas na bundok.

Maraming mga balakid sa daanan,

Dahilan kung bakit hindi makarating sa paroroonan.

Tila napakahaba ng tulay

At ang aking bawat hakbang ay pasuray-suray.

Napakadilim

na tila buong araw ay takipsilim

Buhay ay gusto ng tuldukan,

Nang matapos na lahat ng hirap na nararanasan.

Na ang lungkot na aking nadarama ay matapos na,

Na ang mga ngiting mapagpanggap ay mawala na.

Dapat nga bang tapusin ang buhay?

O ipagpatuloy ito at maging matapang at matibay?

Kuwit,

isang bantas upang tumigil sandali.

Pagisipan kung dapat bang manatili.

Saglit lang, gusto kong huminga,

Pagod na pagod na ako ngunit gustong magpatuloy pa.

Gusto kong maranasan ang saya,

Gusto kong maranasan ang maging malaya.

Gusto kong lisanin 'tong silid,

Na puno ng balakid.

Sana may makinig sakin,

Sa mga bawat kong naisin.

Pasan ko ang mundo,

Ramdam ko ang delubyo.

TAMA NA!

Gusto ko ng gumising,

gumalaw at tumindig.

Tatanawin ko na ang liwanag,

Iiwas na sa lagalag.

May kaunti pang pag-asa,

Gusto ko ng lumigaya.

Tuldok-kuwit;

Pinipili kong sabihin ang mga katagang "I won't quit!"

Mamarkahan ko ang araw na ito,

na ipinagpatuloy ko ang buhay ko.

Pagsubok ang naghihintay dito

Ngunit hindi ako aatras, lalaban ako.

Hindi kasagutan sa buhay ang katapusan.

Pipiliting tumawid sa tulay

Kahit ang lakad ay pasuray-pasuray.

Daan man papunta sa paroroonan ay isang pagsubok,

Gagawin ang lahat, makarating lamang sa tuktok.

'Wag mong tuldukan ang buhay mo; ipagpatuloy mo.


73 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page