Balik tayo sa simula;
Sa simula kung saan wala pa tayong listahan tungkol sa isa’t-isa
ng ating mga gusto,
Pati na rin ng mga ayaw natin.
Sa simula kung saan
Blangko pa ang papel mo
At pangarap pa lamang
ang pluma ko.
Sa simula kung saan
Hindi tayo mabuti o matalino,
Mabait o bobo,
Noong musmos pa ang ‘tayo’.
Sa simula kung saan ang mga bato’t dagat pa lamang ang laman ng ating mundo,
Noong wala pa sa atin ang nadala ng tukso,
Noong hindi pa natin hinayaang atupagin ang sisihan,
Noong puti pa ang mga ulap na ating nakikita,
Noong ang pag-iibigan lang natin ang hinahanap.
Balik tayo sa simula,
At ibahin natin
Kung paano natin isipin
Na walang sisira sa kadena
Ng biyahe natin patungo sa ligaya.
Balik tayo sa simula
At tanggapin na natin
Na sa simula lang talaga tayo naging masaya.