Photo by Carlo Francisco
Inibig kong maglayag sa dagat ng pangarap dala lamang ang dalawang bungkos ng lakas ng loob at kapirasong pagnanais ngunit ako’y ibinabalik ng agos ng katotohanan pabalik pero, hindi takot sa alon ang pipigil sa akin para ako’y muling sumubok.
Saglit akong namahinga sa pag sagwan sa kadahilanang ayokong palampasin ang ganda ng buwan na tangi ko lamang ilaw sa madilim at mapanlinlang na gabi. Agad kong ibinulong sa buwan na masarap pala magmahal. Na masarap pala ang minamahal. Saglit kaming nagkahuntahan ng mga tala. Kinuwento ko ang aking pangarap. Di alintana ang lamig at hamog na dumadampi sa aking balat upang ialis ko ang aking atensyon sa ganda ng papawirin ngunit paglipas ng ilang kurap ay ako’y nagpatuloy muli.
Ninais ko noon na hanapin ang kagamitan upang masimulan kong habiin ang mga pising magsisilbing daan patungo sa aking gustong paroonan ngunit hindi pala madaling hanapin ang mga piraso. Kulang pa pala ang aking kaalaman, na hindi pala sapat na marunong lang akong mag timpla ng inuming malamig na gawa sa pulbos. Na hindi pala uubrang magaling lang akong mag pirito ng tuyo at churizo.
Marahil tama nga sigurong gamitin ko ang mga libro at komiks na aking pag aari upang bumuo ng pundasyon na susuporta sa pagpapalipad ko ng saranggola. Na maari palang gamitin ko ang sarili kong imahinasyon upang gumawa ng isang matibay ngunit simpleng barong barong na sasangga sa hampas ng alon na lalamon sa akin.
Na wala palang puwang ang takot kung ninanais mong sisirin ang kailaliman ng dagat. Na minsan di rin pala masamang isipin na ang depinisyon ng buhay ay hindi mo makikita kung saan saan. Na hindi pala mali ang pagiging utak elementarya paminsan minsan. At hindi pala mali ang pagbabago ng panahon. Na hindi pala masama ang mangarap ng mangarap.